Sunday, November 23, 2008

"KABATAAN, ITO ANG HAMON KO"

National Youth Congress (PRISAAP REGION XI)
November 20, 2008
Paligsaahan sa talumpatian
2nd placer
Isinulat ni/coach : Jodison A. Tanutan / Dina Barros-Ceballo
Tagapagsalita : JYAN DESSE M. SOLANO
_____________________________________________________________________________________

“Mindanao… ikaw ang lupa na pinagpala ng MAYKAPAL, mahal kita…mahal kita.”
Narinig nyo ang tamis ng himig ng awiting ito! Naintindihan nyo ba ang lirikong nais inkintal nito? Nadama ba ng kalamnan ng ating kamalayan ang tuon nito?
Mga kababayan, nasa kaibuturan ng puso ang kasagutan nito – PAG-IBIG. Aspetong kulang sa puso ng maraming kabataan.
Pinagpipitaganang mga lupon ng hurado, mga ginoo, gasgas na ang kasabihang “ANG KABATAAN ANG PAG-ASA NG BAYAN!” Totoo! Isang katotohanan na nawawalan ng saysay at tila baga isang pahina ng limot na kasaysayan. Ang mga pangarap na ito, ni Gat Jose Rizal ay naunsyami, sapagkat ang mga kabataan na siyang inaasahang pag-asa ng bayan ay halos lugmok na sa iba’t ibang gampanin na sumasabay sa takbo ng nagmamadaling mundo – mundo ng pagbabago. Ngunit walang pokus sa halagang pangkatauhan.
Hayag sa ating lahat ang kalagayan ng lipunan. Ang kasalatan sa maraming bagay. Higit sa lahat ang naglilipanang kaguluhan. Ang awiting aking sinambitla ay isang panaginip na ang titik ay di malirip. Sino ang papanday sa kapayapaan at kaunlarang ating hinahangad? Sino ang tatangkilik sa ating bansa? Sino ang yayakap at magpapayabong sa kulturang nagpapakilala sa ating pagkakilanlan? Diba ako, ikaw, tayong lahat.
Tayong mga kabataan na kinikilala sa lipunan na mapusok, maharot, walang katuturan at walang modo kadalasan. Aminin man natin o hindi, ganito ang marami sa atin hindi dahil sa kakulangan ng ibayong gabay ng ating mga magulang at mga guro ng ating paaralan kundi dahil sa ating kagustuhan at kahinaan.
Bagamat tayo ay mapusok at marupok. TAYO ang lakas at tagumpay ng lipunan. Kaya ang hamon ko liksi ng ating isipan, sigabo ng ating damdamin ay ating gamitin sa katuturan, itaguyod natin ang kaunlaran at palaganapin ang kapayapaan. Manalig tayo sa ating kakayahan, ano mang estado natin sa buhay ito ang maghahatid sa atin sa pedestal ng tagumpay.
Labis ang paghanga ko sa kabutihang asal na ipinamalas ng kagalanggalang na senador na si John Mc Cain ang katungali ni Barak Obama noong huling eleksyon sa Estados Unidos. Nang tanggapin nya ang kanyang pagkatalo, may kumirot sa puso ko at nangarap muli na sana lahat ng Pilipino ay katulad nito.
Ito’y isa sa mga katangiang dapat tularan, kaya pangalawang hamon ko sa inyo kung ang bawat isa sa atin ay magiging bahagi ng isang bakahin, ito’y magiging susi sa pagsulong ng isang mapayapa at tahimik na mundo.
Iilan kaya sa ating sa mga naririto ngayon ang may tapang at paninindigan na suungin ang mapanghamong mundo? Iilan kaya sa atin ngayon ang magiging kasangkapan upang ihanda ang mapayapang bukas. Kung ibig nating maging mabisang kasangkapan, sangkapan natin ang ating sarili ng mga katangiang nararapat.
Hindi lamang tayo dapat kapuso o kapamilya, kundi kabahagi ng bawat pagsulong ng mundo. Kaya hinihikayat ko kayong makibahagi upang pandayin ang minimithi nating tunay na kayamanan – KAPAYAPAAN!
Ang huling hamon ko sa inyo, simulan natin hindi bukas. Kundi NGAYON!

No comments: